Monday, February 9, 2015

GUSTO NG MGA NEGOSYANTE ANG KAMAY NA BAKAL



by: Raymond Burgos | Abante Online News

Nagpahayag kamakailan ng pagkabahala ang mga nego­syante at mangangalakal sa Minda­nao na makakaepekto sa itatayong Bangsamoro entity ang naganap na pagmasaker sa 44 na commando ng Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao.


Nangangamba ang mga negosyante na dahil sa mabuway na peace and order sa dating Auto­nomous Region in Muslim Minda­nao ay malamang na magsiatrasan na ang mga nagpaplanong mamuhunan at magtayo ng negosyo sa nasabing rehiyon.


Kasabay ng pangamba at pagka­bahala ng mga negosyante sa Mindanao ang pagkadismaya sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino dahil sa kawalan nito ng direksyon at matigas na desisyon laban sa Moro Islamic Liberation Front at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na siyang mga nasa likod ng pananambang sa mga miyembro ng SAF noong Enero 25.


Kaya nga ikinatuwa ng mga taga-Mindanao ang pagsulpot ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang posibleng kandidato sa pagka-pangulo sa 2016 at hindi nakakapagtakang suporta­do ng mga negosyante ang kanyang kandidatura.


Matagal na naging alkalde ng Davao City si Duterte at sa ilalim ng kanyang pamamahala ay nakamit ng syudad ang kaunlaran sa ekonomiya dala na rin ng kanyang istilo ng pamumuno na “kamay na bakal”.


Hindi naman maikakaila na peace and order ang unang inatupag ni Duterte kung kaya nalinis agad ang Davao City sa mga masasamang elemento gaya ng mga drug pusher, kidnapper at mga magnanakaw na siyang naging dahilan kung bakit naideklara ang syudad ni Duterte bilang “most livable,” “ most peaceful” at “most child-friendly city”.


Wala ring anomalya sa Davao City Hall sa ilalim ng admi­nistrasyon ni Duterte at mga negosyante na mismo ang magpa­patotoo na ang mayor’s permit ay nakukuha ng mga nego­syante sa loob ng 72 oras at walang lagay o padulas na ibinibigay sa mga opisyal ng city hall.


Si Duterte rin ang nagpatupad ng total ban sa mga paputok lalo na pagsasapit ang Pasko at Bagong Taon at lahat ay sumunod dito dahil batid nilang para ito sa kaligtasan ng mga bata at mga residente ng Davao City.


Mahigpit ding ipinapatupad ng Davao City ang speed li­mit na hanggang 60kph lang at ang liquor ban partikular sa mga menor de edad. May curfew din ang mga night spots at night club sa syudad ni Duterte at ito ay hanggang alas-dos lang ng madaling-araw para maiwasan ang sobrang kalasingan na nauuwi sa mga away at basag-ulo.


Maaaring totoong hindi pa desidido si Duterte sa pag­takbo sa 2016 bilang pangulo ng bansa. Ngunit sa natatanggap niyang suporta sa kanyang paglilibot, at dahil na rin sa mga problema ng bansa na kailangan ang isang matapang at may paninindigang mamumuno, malapit-lapit nang bumigay ang alkalde ng Davao City.


Hinahanap ng marami nating kababayan ang “kamay na bakal” na ang ibig sabihin ay pagkakaroon ng matigas na posisyon ng Pangulo sa MILF at ang kagyat na pagtugis sa mga BIFF na hindi kabahagi sa usapang pangkapayapaan.


Kailangan ng bayan ngayon ang “kamay na bakal”. Kaila­ngan ng Pilipinas ang kagaya ni Mayor Duterte na may kamay na bakal sa mga kriminal at malambot na puso sa mga mahi­hirap at biktima ng mga sakuna at pang-aapi.


Hindi sapat ang “tuwid na daan” ng administrasyong Aquino na salat sa pagkakaroon ng matibay na paninindigan at pagiging mapagpasya sa panahon ng krisis gaya ng insidente sa Mamasapano.


source: Abante.com.ph


No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Share and Like:

Search This Blog